Concert ni Jennifer Lopez sa Manila, tuloy na sa Nov. 26

Para sa isang gabi ng kantahan at sayawan, magtatanghal ang International pop superstar na si Jennifer Lopez sa bansa para sa kanyang one-night-only concert na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena sa darating na Nobyembre 26.

Suot ang mga costume na likha ng Lebanese fashion designer na si Zuhair Murad, ipamamalas ni J-Lo ang kanyang galing sa pagsayaw at pagkanta sa kanyang Pinoy fans.

Kakantahin ng Latina singer ang mga awitin mula sa kanyang Dance Again the Hits" na album ng Epic Records.

Ang naturang concert ay kabilang sa "J-Lo Dance Again World Tour" ni Jennifer na nauna nang nagtanghal sa Europe, Central America, at South America.

Kabilang ang Manila sa anim na lugar sa pagtatanghalan ni J-Lo sa kanyang Asian concert tour.

Ang naturang concert ay handog ng Radio High 105.9/fm, Vista Land at Music Management International.

Ilan sa mga awiting ipinasikat ni Jennifer Lopez ay "Dance Again", "Papi", "Waiting For Tonight", "Love Don't Cost a Thing", at "Jenny From The Block."

Maliban dito, naging judge din sa dalawang season ng reality singing show na American Idol si Jennifer kasama sina Steven Tyler at Randy Jackson.

Nauna nang ibinalita ni J-Lo na hindi na siya babalik sa Season 12 ng naturang show at si Mariah Carey na ang papalit bilang AI judge.

Concert tickets will be available soon via SM Tickets at 470-2222, or thru www.smtickets.com. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News


Comments